"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Pebrero 19, 2012

"Panahon Lamang Ang Lumilipas"

Nakaupo ako noon sa isang malaking bangka na naka taob sa pampang ng ilog. Habang pinagmamasdan ang mga water lily na dahan dahang inaanod ng matiwasay na alon.  Rinig ko rin ang mga dasal ng simbahan sa hindi kalayuan. Alas-tres ng tanghali , hindi nanaman ako nakatulog. Hindi ko talaga gusto ang matulog pagdumarating na ang ala-una ng tanghali kaya lagi ako tumatakas sa aking lola at tita at nagtatago sa gilid ng ilog habang inaaliw ang sarili sa mga gunita ng nakaraan. Madalas ko noon ginagawa ang humiga sa mga tuyong dahon ng kawayan. Nakatingin sa himpapawid habang pinagmamasdan ang mga sanga na sumasayaw kasama ang mga ibon kung saan ang mga dahon nito ay unti-unting nalalaglag sa aking tabi.

May mga puno sa aming probinsya noon na kung tawagin namin ay mansanitas at kamatsile na nasa gilid ng ilog. Noon sa lugar kung saan ang bakasyon ay binabalot ng katahimikan at madalas ko nakikita ang mga batang tulad ko na naliligo sa ilog tuwing tanghali. Ang paglipas ng aking oras ay nagiging masaya kapag sumasama na ako sa kanila.

Dito ako natuto kumain ng paksiw na may sari-saring huling isda mula sa ilog. Sariwang sariwa mula sa lambat na maghapong huli . Telebisyon ang libangan ng mga matatanda sa bahay at madalas ay basketbol ang laman ng kanilang pinapanood. Kaming mga bata naman ay madalas magkwentuhan ng mga masasayang pangyayari na nagawa namin sa buong maghapong pamamasyal at paliligo sa ilog.


May mga bagong subdivision na itinayo sa di kalayuang mga bayan. May mga bagong proyekto na tulay  at kalsada ang aming mga punong bayan. May mga naisarang  maliliit na irrigasyon at gumawa ng mga bagong kapalit nito. Kung saan ang mapa ng mga patubig ay  naiba sa pagdaan ng mga panahon. Kung paano nagkaroon ng buhay ang isang ilog ay doon din ito nagkaroon ng kahinaan sa kanyang pag-alon. Ang mga daanan ng kanyang mumunting pagkabuo ay unti-unti narin nawawalan ng pag-agos. Kinain ng lupa ang kanyang paghinga na minsan pa niyang diniligan ng biyaya upang tayo ay makinabang. Nakakalungkot isipin na kung kailan naging malusog ang kanyang nasasakupan ay naging sakim ang mga ito hanggang siya'y tangalan ng pagpapahalaga.

Dumaan ang ilang bakasyon at ang ilog na nagsilbi naming kalaro, ang ilog na nagsilbi naming sumbungan kapag nasasaktan at ang  ilog kung saan minsan pa namin ibinulong ang aming mga pangarap ay unti-unti ng humupa sa pag-alon. Hanggang ang buong buhay nito ay lumubog kasama ng kanyang ganda at yaman sa ala-ala.

Sa ngayon lagi ko naaalala ang nakaraan kapag nararamdaman ko ang katahimikan. Bakit kaya hindi ko makalimutan ang mga sandali na lagi kong ginagawa sa tuwing namamasyal sa tabing ilog noon? Ang ala-ala sa ilog kung saan ibinigay sa akin ang kahulugan na laging masaya ang bukas ay hinding-hindi ko makakalimutan.

"Ang sarap mag bigay halaga sa mga lugar na doon tayo una natutong mangarap. Dahil alam natin na panahon lamang ang lumilipas ngunit ang totoong kahalagahan ng nakaraan ay hinding hindi mawawala sa bawat isa sa atin."

0 (mga) komento: