"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Pebrero 3, 2015

"Aking Nag-iisa"

Sarado pa ang lahat, habang kumukuha pa ako ng buwelo upang maintindihan nila na patuloy ko pang pinagtitibay ang natitira sa aking pagkatao. Habang binubuo ko ang mga basag na desisyon upang sumangayon sa aking bagong buhay. Hindi naman ganoon kadali at alam ko naman yun, ngunit sana ay maintindihan ako sa marupok kong dibdib kung saan ang mga uka nito ay madali pang nagngi-ngitngit.

Ganun naman talaga, hindi ko dapat isipin ang hindi ko dapat isipin at umusad sa panibagong araw, sa panibagong bukas. Madaling sabihin ngunit sobrang hirap gawin. Kapag ang emosyon na ang kumakatok sa akin halos durugin nito ang aking utak sa kakaisip at kapag binabato na sa akin ang mga tanong na 'bakit?' ay hindi ko pa alam kung bakit.

Ang totoo? Hindi na ako malungkot, hindi na ako naghihintay at hindi na ako umaasa sa dahilan ng nakaraan. Kailangan ko nalang siguro maghilom hanggang mawala ang mga hinanakit. Ang pagpapatawad na hindi ko na hinihingi sa kanila sa kabila ng lahat, sa kabila ng mga agam-agam.

Mapalad parin ako dahil may mga tao na maituturing kong mga tunay na kaibigan. Katahimikan sa aking pagpupumilit ay kanilang naiintindihan. Hanggang matagpuan ako ng isang pusong tunay na nagmamahal. Puso na nagbigay sa akin ng pagkakataon maunawaan kung paano ba talaga ang pagmamahal. Ito na ang mundo ko ngayon, ibang-iba sa nakaraan. Pamamaalam sa nakaraan ay paunti-unti ko ng naiintindihan.

Doon ko sya nakilala sa gitna ng aking pagkalito. Ang mga diktang nakaikot sa akin ay isa-isa niyang tinanggal. Tinanggap ako ng buong-buo sa kabila ng aking kahinaan at pagkukulang. Siya ang naging totoo  sa akin habang ako naman ay handa ng sumuko at mabaliw. Pinadama niya ang tunay hanggang maging mulat ako sa katotohanan ng buhay.

Ang mga titig ko sa kanya tuwing umaga ay aking kasiyahan. Mga matang hindi ko matiis, Kanyang labi na lagi ng nakangiti. Dugtong ng aming hininga ang mga yakap sa magdamag habang bumubulong ang mga pintig sa aming dibdib. Dito na ako masaya at hindi na ako mawawala. Habang kasama kita pagtitibayin ko ang mayroon sa atin hanggang ako ang iyong sinta.

Mahal kita aking nag-iisa.......

Lunes, Enero 26, 2015

"Ito Na Ang Huli"

Naghihilom palang ang lahat sa akin ngunit sa iba mag-uumpisa palang ako mawala. Natatandaan ko pa ang mga yugtong naging kuntento na ako sa aking mundong ginagalawan. Ang mga pangungusap ay malumanay na naibibigkas. Doon ko sinimulan mangarap, doon ko pinagpatuloy isipin ang aking mararating para bukas. At gaya nga ng takip silim ng magdamag nagiging makabuluhan lang ang maghapon kapag naiintindihan mo kung para saan ang mga pahinang ginuggol mo sa buong araw.

taon at halos kalahati ng aking buhay ang inilaan ko sa mga tao na walang ibinigay sa akin kundi mga pangaral na hindi rin naman nila gusto. Nagpapakaalipin ako sa mga sigaw at alingawngaw ng kanilang mga dikta. Nagiging mahina ako habang Natututunan ko kung paano ba ang mag-isa.

kalayaan, ang akala nila ay hindi ko alam ang ibig sabihin ng kalayaan. habang ginagawa nila akong mang-mang ay unti-unti ko sila napapaniwala na hindi ko hawak ang susi palabas ng katangahan.

papalayo ngunti hindi ko pa lubusan naiiwanan ang mga sitwasyon. Gustohin ko man tumakbo ay hindi ko magawa, nandito parin ako sa lugar kung saan ako umalis. Hindi lang ako lumilingon pabalik habang unti-unti ko binibitawan ang aking pagkasabik.

paglalakbay, hanggang saan ako makakarating sa aking paglalakbay. May bago ng nakalapat sa aking mga kamay. Mahigpit ang pagkakakapit gaya ng mataimtim na panalangin. Huwag na sana ako magkamali, dahil dito na ako mahihimlay at ito na ang aking huli

Huwebes, Enero 22, 2015

" Sa Mundo Ng Iba"

Pakiusap sa aking mga kahinaan, sa aking mga pagkakamali, pakiramdam na unti-unti nanaman ako nawawala. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi parin ako nakalalayo. Sumisikip ang dibdib habang nakakayanan akong tiisin, Ang pag-aakalang natutunan ko na ang lahat ay hindi pa pala. Ngunit bakit pakiramdam ko ay dito na ako nanggaling.

Kakaiba, hindi ko gusto ang araw na ito. Nababawasan ang iniipong ngiti at bumibigat ang mga pakiwari. Sa ganitong pagkakataon ko naiintindihan na wala akong silbi, parang ganun, parang ganito. Bakit ba kahit anong angulo ko ipakita sa iba ay hinding-hindi parin talaga nila ako maintindihan. Baka nga sumpa oh baka nga malas lang talaga ako sa mundo ng iba.

Miyerkules, Enero 21, 2015

"Pangalan Nalang Ang Meron Ako"

Dito ako nanggaling, at sa mga  naunang paglalakbay ko noon dito ako nagsimula mangarap. Naging payak ang lahat at naging totoo sa aking sarili. Kahit gaano kahirap at kahit gaano kataas ay sinubukan kong tahakin ang daan. Isang paglalakbay na di ko inaasahan na magiging selda ng aking kasalukuyan. Bumabagal na ang lahat, dumidilim na rin ang paligid.

 May mga pagsubok narin ang dumaan ngunit kakaiba ang isang ito. Kusang dumadating at nagbibigay lumbay sa bawat araw na dumaraan. Hindi na ako masaya, hindi ko narin naiintindihan. Sinubukan ko humakbang sa ibang pamamaraan ngunit ganun parin ang ihip ng hangin kung saan man ito nagmula.

 May mga ala-ala na bumabalik, kung saan ipinipinta nito sa harap ko kung paano ako nagsimula. Ibinabalik ang mga imahe ng aking kabataan kung paano ba ako naging masaya. Doon sa noon nalang ang lahat, doon ko nalang lahat nakikita na ako ay masaya. Sumisikip na ang daan at nasasakal na ang aking pagkatao. Ang sumbat na di ko na kayang dalhin dahil ito ang pinamumukha sa akin kung bakit hindi parin ako nagtatagumpay.

 Ngayon ko naunawaan na nagiging mahalaga lang pala ako  dahil may mga bagay akong nagagawa na kailangan ng iba. Pag-aakala na ako ang liwanag sa bawat araw na dumaraan ngunit hindi pala. Pag-aakala na ako ay minamahal  ngunit pagkaawa pala.

 Naging mahina ako hanggang sa huli. Naging bulaang manglalakbay sa akala ko'y daan ngunit selda pala. Ubos na ang aking pagkakakilanlan sa aking sarili. Pangalan nalang ang meron ako at pangarap parin lahat ng ginugusto ko.

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

"Kapag Ikaw Naman Ang Nadapa"

Pakiramdam ko ay nagiging maaliwalas na ang lahat. Ang paghahanap ng kalinangan sa mga paghapo ng dibdib ay unti-unti ko nararamdaman. Nagpapasalamat sa mga tao na sa akin ay nangamba at nagpaliwanag ng kanilang mga dahilan kung bakit kailangan kong ngumiti muli.


Saan ko ba muli nakita ang inyong mga mukha? Kailan nga ba ulit tayo nagkausap ng personal at nagkaroon ng mga matatamis na tawanan? Ramdam ko muli ang bukas. Ang pagiging ako ay muli sa akin ay bumabalik. Hawak ko parin ang haba ng mga pisi sa bawat pag-akyat. Ang bawat pagbaybay sa aking  mga hinanakit ay pawang maamong dagat. Malawak at malalim, dito ako nabubuhay.

Muli sa aking pag-gising ang nais ko lang ay mapatawad nyo rin ako. Sa aking mga kahinaan at sa aking kakulangan, bilang kapatid, kaibigan o bilang magulang. Pagsusumamo na ang aking kalakasan ay muli pagtitibayin. Ang daan na ating tatahakin ay doon ko muli iyayabag ang mga paa na tungo sa mga pagsubok at pagpapahalaga sa bawat isa. Kahit gaano kalayo, kahit gaano katagal at ang maipapangako ko lang ay ang aking sarili kapag ikaw naman ang nadapa.


Martes, Setyembre 30, 2014

"Kahit Hindi Pa Ngayon"

Habang umaandar ang oras sa aking harapan patuloy ang nakakasilaw na sinag ng araw sa tanghaling tapat. Naaaninag ko ang mga ibon na naglalaro sa kakaunting salok ng tubig na nagmula sa ulan ng nakaraan. Paunti-unti ako sumasakay sa bahagyang ihip ng hangin. Ang lakas nito ay patuloy na binabago ng panahon sa pamamagitan ng paghampas nito sa mga luntiang dahon sa paligid.

Daig ko pa ang pinaglalaruan ng mga engkanto kung saan ang aking ulirat ay patuloy na naglalakbay sa kung saan sa kabuluhan ng buhay at pagiisip. Hinahanap ang kahalagahan ng aking mga desisyon, kung bakit matapos ko pagtibayin ang mga pundasyon ay doon ko napagtanto na unti-unti itong pinaparupok ng kahapon.

Naging tama ba ako? yan ang laging katanungan. Naghahanap ng kakampi sa mga tao na hindi naman ako lubos na kilala. Mga tanong na imbes na tanungin kung "Saan ako nagkamali" ay nagiging " Bakit ako nagkamali?".

Dahan dahan ako nawawala, namamatay sa katotohanan. Nagiging manhid kahit ako ay patuloy na nasasaktan. Idinadaan sa mga ngiti ang mga pakiwari na sana ay may makapansin na ako ay lumuluha ng palihim tuwing lumalalim ang gabi. Ang pagiging malakas ay ang imahe ko sa karamihan ngunit sa kabila nito ay kahinaan na hindi nararamdaman ng iilan.

Walang laman, yan ang aking pakiramdam, isang bakanteng pagkatao, isang pinuno na walang masisi kundi ako. Paulit-ulit ko sinasadya na sabihin sa aking sarili na ako lagi ang may sala at ako lagi ang mahina. Hanggang bigla ko nalang naramdaman na hindi ko pala kaya dahil tuwing binabato ng masasakit na salita ay parang batang lumuluha.

Kahit hindi pa ngayon, alam ko naman yun. Mga mata na pilit ko ipinipikit sa mga malalambing na gabi at hinanakit. Mga yakap na alam ko ay totoo kahit pansamantala. Mga luha na hindi ko kaya ipahalata. Pagmamahal na alam kong mali sa iba at nagiging tama sa aking mga mata. Walang pagsisisi, walang agam-agam at dahil nga habang nakahawak ang mga kamay mo sa akin hindi ako bibitaw kahit nasasaktan.

Lunes, Setyembre 1, 2014

"Kahit Nasasaktan"

Tinutulak ako ng aking pag-iisip, ang pag-aakala na ikaw ang aking nakita ay ibang tao pala. Natatakot magkamali ngunit ang mga panahon narin ang nagbigay sa akin ng pakiramdam. Hindi madalas maibigkas o maitanong ang mga bagay na nais ko malaman kung bakit sa ganitong sitwasyon lang ako nagiging pipi. Mabigat sa dibdib animo'y nakakulob na hangin. Gusto ko sana makahinga ngunit buntong hininga lang ang nagagawa.

Alam ko naman na hindi ako nagkamali, alam ko naman na hindi ako nagmadali. Ngunit bakit parang ako lang ang nasasaktan kapag nadarapa. Bakit parang ako lang ang napapaisip kapag nalilito. Maiintindihan ko naman lahat dahil pinili ko ang lahat ng ito. Hanggang nakahawak ang iyong mga kamay sa akin  hindi ako bibitaw kahit nasasaktan.