"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Agosto 21, 2012

"Hindi Sa Akin Ang Mundo"

Sa loob ng kotse....
Nasa gawing likod na upuan at habang nasa traffic ay isinandal ko ang aking ulonan  at tumingin sa itaas. Tanaw ko ang mga bituin sa labas habang hawak ko ang mundong hindi sa akin. Nangangarap na kailan ko kaya mahahawakan ang buhay na buong-buo. Kailan ko kaya maibibigkas ang mga wikang masasaya.

Limitado ang lahat ng aking pagkakataon noong highschool. Inampon ako ng aking mga kamag-anak at nagsilbing tagaligo ng aso, tagapunas ng kotse, tagalinis ng mga maduduming parte ng bahay at kung anu-ano pang trabaho na maaari nilang ipagawa sa akin. Ang pagiging mahusay ay hindi opsyon upang maging masaya. Wala akong pakialam sa salitang Valedictorian at Salutatorian dahil ang pakiramdam ko noon ay hindi sa akin ang silid, ang damit , ang sapatos at ang librong ibinigay sa akin. Para lang ito sa mga taong naghahanap ng rason kung bakit nila ako pinag-aaral.

Hindi ko noon maintindihan kung bakit kahit pagod na ako sa pagiging utusan eh pakiramdam ko noon ay hindi ako nagkamali sa mga desisyon na ginagawa ko. Marahil siguro ang tanging tama lang sa akin noon ay sumunod lang ng sumunod sa mga utos na hindi maaaring baliin.

Sa tuwing sasapit ang bakasyon noong highschool  bihira mo ako makitang masaya. Hindi katulad dati noong panahon ng elementarya na halos lahat ng araw ay maaaliw ka. Dito ay iba, ibang-iba  sa nakagawian. Naging pahinante ako sa truck at kung minsan ay  tagatangal at tagaderecho  ng  mga pako sa construction site. Trabahong hindi ko naman ginusto ngunit dahil nga hindi sa akin ang  mundong ginagalawan ko noon eh lahat ng desisyon ko ay oo lang ng oo.

Hanggang ngayon ay hindi ko parin  makita ang kahalagahan ng ganung aspeto ng idolohiya sa pagpapamulat ng isang kadugo na ganito ang buhay pag wala kang pinag-aralan. Imbes na ipahinga ang mga katawan at isipan dahil sa mahabang araw ng pag-aaral sa eskwela  eh pilit pa nila isinisingit ang ganitong nakakapagod sa isipan at katawan na hindi naman nila maipaliwanag ng buo at kung bakit. Marahil ayaw lang nila ako maging masaya sa araw ng aking bakasyon oh marahil parusa ito sa  akin dahil sa mga pangako nila na pasan-pasan ko hanggang makatapos ako ng aking pag-aaral.

Salamat narin sa kanila ngunit ang aral na ibinigay nila sa akin ay hinding-hindi ko ipapamulat sa mga taong bumubuo sa aking mundo ngayon. Ni minsan sa buhay ko noon ay hindi ko sila pinanghugutan ng aking lakas dahil ang kahinaan ko ay ang kalagayan ko at ang kalungkutan ko ay ako lang ang nakakaintindi. Nagiging masaya lang ako tuwing mag-isa sa aking silid. Kapatid ko ang kama at kaibigan ko ang telebisyon. Kakuwentuhan ko ang bintana at sandalan ko ang aking mga unan tuwing umiiyak. Mga pagkabigo na ako lang ang nakakaalam at mga kalungkutan na sa akin lang nakapangalan.




Miyerkules, Agosto 15, 2012

"Lumang Ako"

May bahay...
May hagdan...
May bintana...
May pinto...

Ala-ala..... 1984 sa Pangasinan...  Halos mabura na ng panahon ang aking mga ala-ala, kung paano ako lumikha ng mga ngiti noon ay unti-unting inagaw sa akin ng kahapon. Marahil ang mga gunita ng aking malayong nakaraan ay kayamanan nalang ng mga taong bumubuo ng mundo ko noon.

Gasera...
Mukha....
Si lola... 

Natatandaan ko pa ang lamesa na may gasera at handa na ang pagkain sa hapagkainan.

Dahon ng mga kawayan, basang lupa at sariwang hangin ang mga imaheng naglalaro sa likod ng aking isipan. Dilaw ang paligid dahil sa takip silim. Tahimik at mayumi ang mga tunog ng tubig.

Hanggang dito nalang talaga ang kaya kong balikan sa taon na iyon. Patawad at ito nalang talaga ang kaya kong isanaysay sa inyo....

Lumang bahay...
Lumang hagdan...
Lumang bintana...
Lumang pinto...

Salamat lumang ako...

Lunes, Agosto 6, 2012

"Kahit Gaano Kalayo Huwag Lang Dito"

Noong inilayo ako sa aking mga kapatid upang makapag-aral at tinahan sa isang lugar kung saan ang pangungulila ang tanging libangan ng aking pagkatao at ang pagiging masaya ay mahirap hagilapin sa mga lugar na katulad nito. Lagi ko noon hinihintay ang ulan at pagdumaratig na ito ay lumalabas na ako sa aking pagkakasilong. Gamit ang hiniram na bisikleta una kong babaybayin ang daanang patungo sa lugar kung saan ko ipinagkatiwala ang aking mga mumunting emosyon. Dito tanaw mo ang mahabang kalsada na sinisilungan ng mga puno sa gilid ng daan. Masmaganda pala pagmasdan ang mga ganitong tanawin ang lilim sa daanan sa malakas na ulan. Mga patak ng ulan na dumadaan sa dahon at mga sanga na kumakaway na pinapagalaw ng ihip ng hangin. Wala namang bagyo ngunit ang ulan sa lugar namin noon sa probinsya ay dumarating bago pa lumubog ang araw.

Ang kalsada kung saan nagsilbing silong ng aking mga ngiti at nagbibigay kasiyahan sa kabila ng mga pangungulila sa aking  mga mahal sa buhay. Habang nakatingala sa mga puno sabay kong ipinipikit ang aking mga mata at nangungusap na may kagalakan ang pakiramdam. Hindi ko alam kung may luha sa aking mga pisngi ngunit ang alam ko naghahalo ang aking kalungkutan at kasiyahan sa iisang damdamin. Niyayakap ko ang mga patak ng ulan habang pinapakingan ang mga bulong ng hangin. Minsan lang ako humiling sa langit ngunit ni minsan hindi ako nag-isip ng aking kalayaan sa lugar na iyon dahil sa una palang alam kong pagsubok lamang ito ng panahon ngunit ang hindi ko lang napaghandaan ay kung gaano ito kahirap na halos patayin ako ng lungkot sa bawat araw na dumaraan.

Maliksi parin ang mga patak ng ulan tuwing matatapos na ang aking kahibangan. Sa aking pag-uwi habang sakay ng aking hiram na bisikleta pilit kong pinapabagal ang mga oras na dumaraan. Ang mga agam-agam na sana'y bukas ganito ulit at sana'y makayanan ko lahat ng pagsubok na ibinabato sa akin ng mga taong walang magawa kundi manghusga ng kapwa at manira ng pagkatao.

Madami rin naman akong natutunan sa lugar na iyon kung saan ang aking katatagan ang naging ugat ng aking kalakasan.

"Mahirap pala maging mahina, lalo na kung alam mong bagsak na bagsak kana at wala kang ibang choice kundi maging malakas at magpakatatag"

Sa buhay madami tayong pinagdadaanan na pagsubok at ang ilan dito ay halos ikutin ang pagkakakilanlan mo sa iyong sarili at pagkatao. Ang ikaw ay magiging taong hindi mo inaasahan na magiging ikaw na pala. Ngunit sa paglipas ng mga panahon bigla mo nalang mapapansin na pinapasalamatan mo yung mga taong walang magawa kundi saktan ka. Ngunit kahit gaano man ito bigyan ng makahulugang sanaysay at kalimutan ang lahat ay nandoon parin ang isang desisyon sa iyong puso na hinding-hindi ka na babalik sa lugar kung saan ibinigay sayo ang luha ng langit. Isang paglalakbay na ayus lang kahit saan, okay lang kahit gaano kalayo huwag lang dito. Hindi dahil sa may gusto kang patunayan kundi hanggang doon nalang dapat sila, doon sila nararapat, hanggang doon na lamang sa nakaraan.

Biyernes, Agosto 3, 2012

"Ulan"

Naalala ko noon habang lumalalim ang gabi lalo ako nagigising. Dinadalaw ako ng mga ala-ala ng nakaraan. Ang pagiging payak ng mga bagay sa akin noon ay pilit sa akin ay nangungusap na kamusta na ba ako ngayon. Kung saan isa-isa kong hinihimay ang mga kaganapan sa aking nakaraan at pinagduduktong-duktong ang mga desisyong nakapagpabago ng aking pagkatao. Ang bawat talata at kuwento ng kabataan hanggang sa pinaka bagong pangungusap ng kahapon.

Ayaw parin tumigil ng ulan, masaya parin ang hangin sa paglalaro ng  mga patak at ambon. Hinahagis sa akin ang mga anggi na may kahalong lamig at dausdos na nakakakiliti sa tenga at balat. Ang gabi kung saan hindi ko na ramdam ang aliwalas ng panahon kahit walang kuryente at tanging malilikot na kandila na lamang sa aming lamesa  ang naglalaro sa dilim. Banig ang tanging higaan namin noon at ang kulambong ilang taon na pagsilong sa mga bata sa iisang bubong. Ako, kasama ng aking mga kapatid sama-sama kaming pinaghehele ng aming mama. Sa madilim at tahimik na kumonidad ang mga mumunting anghel na hindi kailan man nawalan ng pangarap na sana bukas maganda ulit ang umaga.

Ulan lamang ang aking kakampi sa kalungkutan. Ang mga patak nito ang tangi kong sumbungan ng aking mga agam-agam. Sa bintana namin noon madalas ko makita ang mga bubong na dinadaluyan ng mga agos ng ulan kung saan nagsisilbi itong mukha ng kanilang pagkakakilanlan na kahit anong mangyari ay tuloy parin ang buhay bumuhos man ang malakas na bagyo. Bihira mo ako makitang malungkot noon dahil madalas ay  kailangan ko maging masaya, hindi dahil para itago ang mga malulungkot na damdamin sa mga hindi ko maintindihan na mga desisyon sa buhay kundi upang maging malakas at matatag ang mga taong nakapaligid sa akin na animo'y parang ayos lamang ang lahat. Sanay na ako makita silang nakikita nila akong masaya, kaya nga kahit ngayon gusto ko malaman  nila na ayos lamang ako kahit sa mga pinaka mahina kong pagkakataon sa buhay dahil doon ako lumalakas kapag nalalaman kong masaya sila kapag masaya din ako.

Kung paano ako hinubog ng panahon sa mga pagsubok at pagaalinlangan , sa paghahanap at pagkakakilanlan sa nakaraan, dito ko naunawaan na ang pangangamba ay dumarating lamang sa mga taong hindi pa nakaranas ng pagkabigo at pagkadismaya. Naging matatag ako sa kabila ng lahat at nagpapasalamat  sa mga taong naging totoo sa akin hanggang sa mga panahong masasabi kong walang-wala talaga ako kundi ang umupo at manalangin na sana'y bukas eh ayos na ang lahat.

Malamig parin ang ihip ng hangin..
May bagyo ba? Sana wala na......