"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Sabado, Marso 31, 2012

"Ganito Kami Nakikita Nyo Ba?"

Matingkad ang sikat ng araw at halos maluto na ang aking suot na uniporme,  sa bawat asin at pawis ng aking katawan  pikit at pagpupursige ang dala-dala. Nakatayo sa lilim ng mga puno sa loob ng kampo may hawak na mapa at pilit na iniintindi ang mga nakasulat dito upang matunton ang lokasyon ng mga bagay na ipinapahanap sa amin. Isa lamang ito sa mga pagsubok na ibinigay ng aming mga opisyal.


Sa bawat ikot, lakad, upo, pahinga at pag-uusap ramdam ko ang itsura ng paligid, napuna ko ang mga sira-sirang istraktura sa loob ng kampo. Ang mga gusaling pinaglumaan na ng panahon na hindi man lang inayos dahil narin sa kawalan ng pagpapahalaga. Hindi ko masasabi kung kakulangan ba ito sa pundasyon  oh kakulangan sa pondo, ang mga pagkukunwari na hindi bumenta sa paningin ko dahil narin sa matitibay pang mga bubong at haligi nito na animo'y pinagsungitan ng interes at ganid na pamamalakad.


Hindi ko alam kung sadya o dagdag sa pagtuturo sa kalinangan ang pinapagawa sa amin. Maaring  hindi lang pagbabasa ng mapa at paglalakad ng malayo ang nais iparating sa aming mga kamulatan at pag-iisip. Naitanong ko sa aking sarili na


"Ako lang ba ang nagiisip ng ganito?"


 Sa aking mga sulat ilalapat ang kaalaman at pagkakaunawa sa loob ng aking paglalakbay sa mundong hindi dinanas ng karamihan, ang pagsusundalo sa kakaibang paraan.


"Tinuruan tayo ng tama o mali, naisip ba natin na ang pag gawa ng desisyon sa buhay ay  maaaring  di dapat   Tama o Mali, kundi Oo at hindi ?."


 Pag may nakita kang bagay na may halong pagkadismaya at panghihinayang, matitiis mo bang huwag nalang lingunin? Hindi naman bawal ang huminto sa paglalakbay kung ang pangarap ang iyong prayoridad, kahit tumigil ka lang sandali at imbes na punahin ay gumalaw ka sa paraan na kaya mong ibigay kahit munting pagpapahalaga sa paraang gusto mo.


Ballpen, lapis, papel, keyboard, at kahit na anong angkop sa kakayahan mo basta galing sa puso mo at hindi galing sa impluwensya ng ibang tao ay isa sa  magandang halimbawa ng patas na pamamahayag ng damdamin tungo sa pagbabagong inaasam.


Sa gitna ng aming paghahanap inabot na kami ng gutom, 2pm na wala parin kami makita sa pangalawang lokasyon na nakasulat sa aming mga mapa. 5 degree E of N lintik papunta sa pader na wala talaga kami makita. Sa pagpapatuloy ng aming paghahanap maka limang ulit na  kalkulasyon at halos pigain na namin ang mapa at gumamit pa ako ng engineering formulas sa angle at radius, wala talaga, hindi namin ma-locate.


Dalawang grupo kaming paikot-ikot at halos sumuko na sa paghahanap, hanggang nag desisyon na kami na sabihin sa aming instructor na hindi namin ma-locate at lagpas na kami sa oras na itinakda.


(Mali ang nakasulat kaya hindi namin mahanap )


"No.1 rule: "bawal mag reklamo dahil kami ang lowest mammal sa loob ng kampo."


Ngunit ganun pa man , kahit na hindi namin natapos ang ibinigay na pagsubok ay mayroon parin akong natutunan,  bukod sa talas ng kaisipan, mahabang pasensya at huwag sumuko hanggang kaya ang maging mapagmatsag at simpleng pangunawa sa mga bagay-bagay na hindi na kailangan sabihing


"Ganito kami nakikita nyo ba?"


Hindi na kailangan ibigay nang may pag-aalinlangan kundi ilaan ng kusa sa paraang masaya ka at kuntento sa mga nagawa para sa mundong pinapasok mo.


"Magandang pakingan ang halimbawa nang kahit na anong bagay sa mundo na may kabuluhan, ngunit di ba masmaganda kung hindi lang  ito maganda sa pandinig bagkus isasalin natin ito sa paggawa?"

Miyerkules, Marso 28, 2012

"Higit Pa Sa Ulam"

Tanghaling tapat noon, hindi parin ako nakakapag-umagahan at dahil narin sa init ng araw halos hapuin ako ng uhaw sa lansangan. Napahinto ako sa isang karinderia, sa unang tingin aakalain mo isang compound lamang ito na puno ng lamesa. Sinubukan kong pumasok sa loob upang kumain, sinalubong ako ng ngiti at magalang na pagtatanong.

Nanay: "Ano sayo anak?"

(At habang tinitignan ko ang mga maaari kong kainin )

Nanay: " Munggo , longanisang haba at sinigang na bangus ano sayo anak?"

~Isang munggo Nay, at Longanisa ....

Nanay:"Ilang kanin?

~isa lang Nay...


kukuhanin niya ang kanyang salamin at aaninagan ka niya, ganyan sya katiwala sa mga itinuturing nyang mga anak. animo'y nababasa nya ang iyong pagkatao mula sa iyong tinig na kanyang naririnig. Wala sa istado ng buhay o sa itsura ang kanyang pamantayan, lahat ay kanyang ipinagluluto  at bubusugin ang araw ninyo ng kanyang mga ngiti at pagpapahalaga.

Sa loob ng ilang taon dito ako kumakain ng umagahan at tanghalian. Dito din ako nagrereview sa umaga at madami narin ako naging kaibigan sa lugar na ito. Ang bawat hapagkainan ay napupuno ng kuwentuhan. Sari-saring ulam gaya ng mga usapan, Halo halong putahe gaya ng mga taong humihinto dito upang ubsan ang kanilang mga gutom at pagkasabik sa mga kaibigan o kakilala.

Marami-rami narin ang mga nakapagtapos sa aking dating eskuwelahan na naging parte ng karinderyang minsan pang binulungan ng mga magagandang  pangarap. May mga Empleyado din sa mga di kalayuang establisimento na nagdilig din ng kanilang mga tawa at ngiti.

Kung saan ang isang magandang kuwento ay nagtatapos sa magandang ala-ala, ngunit ang bawat takip silim ng buhay ay hindi kailanman mababago na ang araw ay magpapahinga sa kabilang dulo ng daan at sisibol muli mula sa bagong buhay sa umaga.

Sino ba naman ang makakalimot sa lugar na ni minsan ay hindi mo makikitaan ng lungkot ang isang nagtitinda. Araw-araw na ngiti at  boses ng isang nagtatanong na nanay na kung anong gusto mong kainin. Higit pa sa ulam ang aming natitikman,  higit pa sa kanin ang sa amin ay ibinibigay, daig pa ng sabaw ang buong maghapon na pagod, yan ang mga inihahain sa aming lamesa mula sa isang mapagmahal na tindera at nirerespeto ng lahat ...

si Nanay

Ma-mimiss ka namin.....

MARAMING SALAMAT

Sabado, Marso 3, 2012

"Bahay Ko To, Bahay Namin To"

Sa panimula ng aking kuwento gusto ko lamang sabihin  sa mga mambabasa na ang bawat kaganapan at lokasyon ay nangyari lamang sa aming lumang bahay sa iba't ibang panahon o taon.

-----------
Pangkaraniwan na sa bahay namin noon ang mga ingay sa pangalawang palapag. Ang mga yabag na animoy naglalaro at nagtatakbuhan ay halos araw-araw na naming  nakasanayang  naririnig.Kung sinuman ang may gawa ng mga ingay na ito ay hindi namin alam, dahil kahit anong tiyaga namin sa pagsilip sa itaas ng bahay ay hindi talaga namin sila makita oh maaninag man lamang.
-----------

Naka upo kami noon ng aking kapatid na babae sa lamesa habang nag kukuwentuhan  ng marinig muli namin ang ingay sa pangalawang palapag. At dahil kahoy ang itaas ng aming bahay ay madali namin mapansin ang mga yabag na animo'y nagtatakbuhan at walang sawa sa paglalaro. Walang pinipiling oras ang kanilang paglalaro at dahil tanghaling tapat noon eh medyo may katahimikan ang paligid.

Dahil narin nasanay na kami sa mga ingay sa itaas ng bahay eh tuloy parin ang aming kuwentuhan ng aking kapatid sa lamesa habang kumakain ng tinapay. Sa gitna ng aming kuwentuhan walang anu-ano'y may biglang lumagapak na mga paa sa sahig sa tapat ng hagdanan na parang may tumalon mula sa itaas. Sabay kami napatingin ng aking kapatid sa sahig kung saan nanggaling ang ingay na aming narinig at sa di inaasahang pagkakataon  wala kami nakitang nakatayo sa harap ng hagdanan at medyo natagalan pa ang aming pagtitig sa lugar kung saan namin ito inaasahang makita. Dahan dahan na lamang  kami nagkatinginan ng aking kapatid at nagtaka sa nangyari.

----------

Kakauwi ko palang noon sa trabaho mula sa isang sikat na fastfood restaurant, dahil narin sa kagustuhan ko noon  na kumita ng pera sa aking murang edad eh labag sa aking mga magulang ang aking desisyon na magtrabaho bilang service crew. Closing ang schedule ko sa trabaho at sa aking paguwi ay tulog na ang mga tao sa bahay. Pag pasok ko sa bahay derecho agad ako sa kusina upang kumuha ng maligamgam na tubig upang ibabad ang aking mga nananakit na mga paa mula sa maghapong pagkakatayo bilang service crew.

Habang nagpapahinga sa sala nanonood ako ng TV upang antukin dahil ramdam ko pa ang tensyon ng aking katawan mula sa trabaho. Sa gitna ng aking panonood walang anu-ano'y may biglang lumabas na lalaking nakaputi mula sa pader sa gawing kanan at tumawid sa aking harapan at tumagos sa pader sa kaliwa. Napatulala ako at inabot pa ako ng ilang segundo bago maunawaan na hindi tao ang nakita kong dumaan. Yun ang unang pagkakataon na nakakita ako ng mga nilalang na hindi ko maipaliwanag at hindi ko maikuwento sa iba dahil narin sa hindi ko alam kung maniniwala ba ako oh hindi sa mga ganitong pangitain.

----------

Dumaan ang ilang taon at sinubukan narin ni mama na kumuha ng kasambahay upang tulungan sya sa kanyang paglalaba. Dahil sa anim kaming magkakapatid ang mga labada noon ni mama ay gabundok tuwing tatlong araw. Galing sa malayong probinsya ang aming bagong kasambahay at may kasama itong isang anak. Noong una hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa kanya na bukod sa amin ay may mga ilang miyembro pa ng aming pamilya na hindi nakikita. Dahil bukod sa aming magkakapatid kasama ng aking mama eh may mga nilalang din sa loob ng bahay na ayaw naming sabihin sa kanya dahil baka maunahan ito ng kaba at takot at tuluyan ng umalis.

Dumaan lamang ang ilang buwan at tuluyan na niyang ipinahayag sa amin ang mga pagpaparamdam. Habang naglalaba daw siya sa tabi ng banyo eh bigla na lamang may tumatakbo papunta sa loob nito at isasarado ang kurtina at isisindi ang ilaw. Sa pag-aakala na may tao sa loob ay lagi daw niya ito hinihintay lumabas upang siya naman ang gagamit at madalas dahil sa kanyang pagkainip eh binubuksan nya daw ang kurtina at wala siyang naaabutan sa loob at laging nagtataka kung sino ang pumapasok ng banyo na hindi na lumalabas ngunit hindi naman nya nakikita sa loob.

Humingi naman kami ng paumanhin sa kanya sa hindi pagsasabi ng mga maaring maramdaman nya sa loob ng  bahay dahil sa maniwala man  kayo o sa hindi wala kasing nagturo talaga sa amin na totoo ang mga ganitong nilalang kaya kahit mismo kaming magkakapatid eh hindi naniniwala sa mga ganyang pangitain. Nagkataon lang na meron sa aming tahanan at nakasanayan na naming nandyan sila.

-------------

Mahilig ako noon maglaro ng Table Tennis at dahil sa laro na ito ay may mga nakilala kaming mga kaibigan na mahilig din sa ganitong sport. Dito namin nakilala ang aming bagong kaibigan na babae at dahil narin sabik sa mga bagong kapamilya eh itinuring na namin siyang parang tunay na kapatid. Sa bahay namin siya noon nagpapalipas ng oras, nagkukuwentuhan , nagtatawanan at kung minsan naman ay namamasyal kasama sya.

Ala-una ng madaling araw, tulog na lahat ang  mga tao sa  bahay. Habang nagbabasa siya sa tabi ng hagdanan eh may naaninag siyang nakatingin sa gawing kaliwa mula salamin. Sa kanyang pag-aakalang kapatid ko ang kanyang naaaninag eh tinignan niya ito sa salamin at laking gulat niya na isang batang lalaki na naka upo sa hagdan na pinagmamasdan siya. Sa gulat nilingon niya ito sa hagdan at wala siyang nakitang nakaupo at takang taka kung sino ang batang nakita nya at ng lingunin niya ulit ito sa salamin ay hindi na niya ito nakita. Sa takot kinuha niya ang kanyang binabasa at pumasok na sa kuwarto at natulog. Kinabukasan ay ikinuwento niya ito  sa amin  at sinabing hinding hindi na siya magpapalipas ng gabi sa bahay dahil narin sa takot.

--------------

Ito ang mga Kuwento na aming itinatago sa karamihan dahil alam naming may mga tawa at panghuhusga sa aming mga kalinangan sa mga ganitong klaseng istorya ng buhay. Ganun pa man ilan lamang ito sa mga pahina ng aming nakaraan na hinding hindi namin makakalimutan at kahit saan man kami maparoon ay masasabi ko parin na....

"Bahay ko to, Bahay namin to"


tuloy po kayo.......