Naalala ko pa ang mga pagpunta ko sa palengke kasama ang aking kapatid para bumili ng mga murang laruan para pang exchange gift. Makakapamili ka ng laruan, damit at pagkain at sa aking dalang pera para sa batang tulad namin noon ang mamili ng pangregalo ay isa sa pinakamalungkot na pagdedesisyon. Hindi dahil sa mahirap mamili ng regalo kundi alam naming kahit anong kalikot namin sa aming mga bulsa ay wala talaga kaming sapat na pera para mabili ang mga gusto naming ibigay sa mga taong mahalaga sa amin. Sa aming pag-uwi matatapos ang araw sa pagbabalot ng mga regalong Lapis na may kulay, Pantasa, Laruang luto-lutuan, maliliit na robot-robotan at cards kung tawagin namin noon ay "supertramp". Ito ang panahon kung saan nagiging proud ang isang batang tulad ko sa kanyang sarili dahil sa naipong pera mula sa karoling. Ang pagbibigay ng regalo sa pasko ay hindi na iba sa amin dahil sa tuwing sasapit ang pasko hindi talaga mawawala sa amin ang pagpapalitan ng regalo kahit alam na namin ang mga laman nito.
Laging abala si mama sa mga lulutuin tuwing pasko. Nakakapagtaka nga kung minsan dahil nag-iisip pa siya kung ano ba ang ihahanda nya sa pasko eh ganun at ganun din naman ang inihahanda nya kahit nung mga unang paskong nagdaan. Sopas, Spaghetti, fried chicken , hotdog at fruit salad lumalabas ang kayamanan ni mama tuwing ganitong okasyon. Ipinagdiriwang namin ang pasko nang kami-kami lang, ako kasama ng aking mga kapatid at si mama. Wala kaming bisita tuwing pasko at hindi uso sa amin ang salitang " Family Reunion " dahil siguro malalayo ang aming mga kamag anak at hirap din kami sa pamasahe kung dadayo pa kami sa kanila. Lumaki kami na ang ibig sabihin ng pasko ay " Araw ng pagbibigayan " kaya nga lagi ako gumagawa ng paraan upang may mairegalo lang ako sa pasko para sa mga taong minamahal ko.
Sarado ang pinto ng bahay at wala naman tagala kaming hinihintay na bisita, tuloy parin ang countdown para sa pasko na animo'y New year at pagsapit ng alas-Dose mag uumpisa na kami kumain. Una ko sasandukin ang sopas at palihim kong susulyapan ang mga mukha ng aking mga kapatid at pagnatatanaw ko ang ngiti sa kanilang mga labi at kasiyahan sa kanilang mga mata ay masbusog pa ako sa taong kumain ng tatlong bandihadong kanin. Matatapos ang gabi na busog na busog kaming lahat at mamayang umaga ay panibagong kainan nanaman ng handa.
Kung tatanawin ko ngayon ang noon madali kong naiintindihan kung bakit ako nagpapasalamat sa Diyos dahil masmasaya ako pagmasaya sila kaya nga madali ako makuntento dahil lahat ng ginusto ko noon ay ang mga pinangarap ko sa ngayon. Ang kasiyahan ng lahat ay aking ikinagagalak at kung saan ang pagkakamali ko ay pilit itinutuwid na sana ay matupad ko ang pangarap na gusto nila para sa akin kung saan yun pala ang kasiyahan na gusto nilang ibigay ko para sa kanila. Walang parehong pasko na dumarating kaya wag na natin idikit ang pasko noon sa ngayon dahil kung gusto natin ng pagbabago dapat lagi natin isipin na laging bago ang pasko at kung laging bago ang pasko laging bago ang panimula ng lahat basta kumapit ka lang sa Diyos at ialay sa kanya ang lahat ng pagpapasalamat para sa bagong buhay at puno ng pag-asa.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento