"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Sabado, Hunyo 21, 2014

"Umagahan"

Sa lamesa kung saan hinihiwa ni mama ang keso, mga pandesal na paulit-ulit naming umagahan, sa aking murang edad noon ay maaga namin nakilala ang kapeng mainit. Habang sumisikat ang araw ay dahan dahan nito ibinabato ang kanyang liwanag na tumatagos sa aming bintana. Sa panimula sobrang tahimik ang aming diwa at dahil dito ay parang islomo ko nakikita ang mga alikabok na naglalaro sa mga ilaw ng liwanag. Tulala pa ang aking mga kapatid at halos lumilipad parin ang aking isip habang nginunguya ang aking hawak na pandesal.

Ganito lang kapayak ang umaga namin. Kumakain kami sabay sabay sa lamesa at unti-unting mabubuhay ang aming mga dugo sa kapeng mainit. Kakaunti lamang ang kape at kakaunti lamang ang asukal. Ang pandesal na may palaman na kesong halos ipinahid lang ng daliri upang kumalat ang lasa nito. Lingid sa kaalaman ni mama kinukuha namin ang keso na nakalagay sa aming mga hawak na tinapay at iniipon sa aming mga kamay. Dahil ito ang magsisilbing palaman ng aming  huling pandesal sa umaga.

Mga ngiti parin ang sumasalubong sa amin tuwing umaga. Kahit  wala ang masasarap na pagkain ay patuloy parin namin ibinibigay ang kasiyahan sa bawat isa. Mga bagay na tinangap na namin at isinabuhay ang mga aral na kung anong meron kami noon. Ang pagmulat sa amin ng aming mga magulang na patuloy ang pag-ikot ng mundo at  kahit papaano ay makakaahon din kami sa kahirapan ng buhay. Kaya noong mga oras na iyon tuwing umagahan ay pansamantala namin hinihinto ang lahat ng aming ginagawa upang pagsaluhan ang hapagkainan. Mga umaga na hanggang ngayon ay akin parin naaalala. Mga bagay na hindi kailanman mawawala sa aking isip at hindi makakalimutan ng bawat isa sa amin
.

"Kung gaano namin napagyaman ang bawat sandali ng aming kabataan ay ganoon din namin naintindihan ang estado ng aming pamumuhay."

 Malayo pa ang aking dapit hapon ngunit sa tuwing naaalala ko ang nakaraan na umagahan kasama ng aking mga magulang at  kapatid ay lagi ko nalang nahuhuli ang aking sarili na nakangiti. Mga umagahan ng nakaraan kung saan magkakasama pa kaming lahat. Ang panahon na hindi ko maikakaila na ang pinakamasarap na hapagkainan ng buhay ko ay ang dating umagahan.

Huwebes, Hunyo 19, 2014

"Dahil Minsan Ay Naging Isa Tayong Lahat"

Pagkakataon, mga panahon na minsan pa natin pinasaya. Mga problema na ibinahagi sa isa't-isa. Mga pagsang-ayon sa bawat desisyon ay  maluwag natin tinanggap. Hindi humihinto ang ulan at malamig parin ang hangin ngunit ang init ng bawat pagtangap sa atin ay gaya din ng ating mga galak sa bawat kaibigan na dumarating. Doon tayo masaya, sa mga simpleng bagay at mga simpleng kasayahan. Konting ngiti at malalakas na tawanan. Mga panahon na minsan pa natin pinangarap na sana ay wala ng katapusan. Mga samahan na kinabilangan, mga kaibigan na nakilala, mga panahon na kasama sila at mga kuwento na naging aral sa bawat isa.

Liham, tulad ng pangungulila habang nakangiti dahil sa pagbalik ng mga ala-ala na masasaya. Pagmamahal tulad ng isang magulang, kapatid at sarili. Mga naging parte ng ating pagkatao at kasiyahan. Ang hindi malilimutang sandali kung saan minsan lang tayo maging baliw sa mundong mapanghusga. Maging masaya at maging kuntento ang tanging pangungusap ng bawat ngiti habang nakatingin sa ating mga mata.

Sa paglipas ng panahon maaalala mo sila, hindi maaaring hindi. Hindi mo man matandaan lahat ngunit mapapangiti ka habang nakaupo at nakatanaw sa kawalan. Sila yung ayaw mong mawala ngunit gaya nga ng isang libro mauubos at mauubos din ang bawat pahina at mabubuo ang isang kuwento ng pagkakaibigan.

Tuloy ang kuwento ng buhay at pangarap ng bawat isa. Mga pabaon na ngiti ng nakaraan ay patuloy natin dala-dala sa ating mga puso. Mga pighati at agam-agam ay naging aral na sa atin. Ang pagpapatawad ay hindi natin isinasantabi. Ganoon parin ang kahapon at wala na tayo mababago sa nakaraan. Hindi natin nakakalimutan ang mga araw na minsan din sila nag-alala sa atin. Ang kabutihan na ang tanging gusto lang ay mapasaya ang bawat isa. Ang pakiwari na sana ay maintindihan at maging tapat na kaibigan.

"Walang samahan sa mundo na hindi nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan"

Ang mga yugto kung saan naging masungit ang panahon at naging maalon ang dagat. Mga bagyo  sa ilalim ng hindi pagkakaintindihan ay ating dinaanan. Habang naghihintay ng sikat ng araw ay doon natin mauunawaan na dito tayo nagiging matibay at matatag. Sa mga unos at pagpapatawad. Pag-uunawa at paglago ng ating mga personalidad.

"nakatutuwang isipin kahit ilang beses pa natin itulak
pababa ang lupa, bilog parin ang mundo"

Maisip lang sila ay masaya na dahil  minsan ay naging isa tayong lahat.

Kaibigan...