"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Lunes, Nobyembre 12, 2012

"Bakit Ngayon Lang Ang Pasko?"

Mga lumang larawan, kung saan ang pagkuha sa mga piraso ng  kahapon ay sadyang nakakapagbigay ng mga buntong hininga. Ang kwento ng bawat ngiti sa nakaraan ay hindi matutumbasan ng anumang kayamanan. Habang pinagmamasdan ko ang mga litrato sa aking mga kamay ay unti-unti ko nauunawaan na kung gaano ako ka swerte sa mga biyaya ng kahapon sa akin. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ako dinadala ng  aking pakiramdam sa mga panahon at oras na hindi ko na kayang balikan pa. Yung mga bagay na hindi na kayang ulitin pa at yung mga pagkakataon na matagal ng lumipas ngunit ang mga karunungan nito ay akin parin daladala.

"Kung saan inukit sa aking pagkatao ang mga karanasan na hindi ko na mababago at ang tanging magagawa ko nalang ay mabuhay kasama ang mga ito."

Habang hawak ang mga litrato ng nakaraan unti-unting bumabalik sa akin ang mga kaganapan na hindi na kayang ibigay ng bukas. Ang mga masasayang sandali na kasama ko pa ang mga taong gumawa ng mga ngiti sa mga mumunting papel na hawak ko ngayon, ang mga tawanan, ang mga halakhakan at ang mga kulitan na kailanman ay hindi na mababago ng ala-ala.

Wala na ako sa nakaraan at dahil nga sa mga oras na dumaraan habang pinagmamasdan ko ang ala-ala ng kahapon pilit ko pinagtitibay ang mga paniniwalang hindi ko na kailangan pang balikan ang mga tapos na bagkus aralin nalang ang mga natutunan at magpatuloy sa mga pangarap na inaasam ko noon nung kasama ko pa sila. Habang unti-unting kumukupas ang mga kulay ng papel ay unti-unti ko rin nauunawaan kung gaano na kalayo ang mga pagitan ng bawat isa.

Kung minsan hindi ko na talaga alam kapag naiisip ko na paano nga ba magpapatuloy sa isang mundong may takip na pangungulila sa minamahal. Kung minsan din ay iniisip ko bakit wala na sila sa panahon na sabay-sabay naming hinintay, kung saan ang dapat na masayang magkakasama ay may bahid ng agam-agam at pagkasabik sa kanila. Kung bakit kasi ngayon lang darating ang araw na ito, ang araw kung saan ang pagdiriwang ay pang buong pamilya. Nakaupo na lamang ako sa tabi ng bintana habang naghuhukay ng mga gunita na maaari ko pang balikan sa nakaraan gamit ang aking mga kupas na larawan. Binabalikan sa pamamagitan ng pag-iisip habang nakapikit at pakiramdaman ang bawat sandali noong yakap-yakap ko pa sila.

 Habang tulala pa sa aking pananaginip ng gising ay may mga tanong na sumasagi sa aking isipan.  Kung kailan buo na muli sana ang aking mga pangarap kasama sila ay ngayon pa sila nawala. Halos makailang oras na pagiisip at daanan na ng hangin ang aking mga balat at lamigin sa gitna ng kalungkutan. Ang bigat ng mga buntong hininga ay masikip parin sa dibdib hanggang ngayon habang tinatanong ang.....

"Bakit kasi ngayon pa, kung kailan wala na sila ..
.
.
Bakit kasi ngayon lang, bakit ngayon lang ang pasko?"

Linggo, Nobyembre 4, 2012

"Kung Saan Naging Buo Muli Ako"


"Gabi ng walang hanggang pagsusumamo, ang araw ay sisikat sa hindi mo matanaw na liwanag "

Ang mga gabi na sinisisi ko ang panahon sa pagdaramot nito sa akin ng masayang bukas ay sadyang nakakapanghina ng pagkatao. Ang mga oras na nasayang sa aking paglayo sa mga minamahal ay ang tanging dahilan upang ako ay sisihin sa lahat at dapat magpasan ng mga kasalanan.

Kapag naaalala ko ang mga taong naging parte ng aking kahapon, kung saan ang mga kasiyahan at kalungkutan ay naging laman ng aking ala-ala sa loob ng ilang oras na pagdarasal. Pilit kong nilalagyan ng harang ang salamin ng buhay kung saan ang totoo ay hindi ko muna gustong paniwalaan.

-Kaibigan. . . .

"Sa karamihan mabibilang ko ang mga iilan sa kanilang pagsasalita at sa kanilang pagtatanong."

Kapiraso ng isang mundo ng bawat isa sa atin ang mga itinuturing din nating mga kapatid. Kung saan ang pagbibigay kahulugan sa isang payak na samahan ay hindi nakikita sa kung kailan nagsimula at kung gaano na ba ito katagal. Noong mga araw na nawawala ako sa aking paglalakbay at bahiran ng kaulapan ang aking mga daraanan may mga tao sa buhay ko na hindi ko inaasahang darating at iaabot ang kanilang mga kamay upang ako ay alalayan. Yung mga bagay na hinahanap ko sa isang tao, kung saan ang paghahanap ng katahimikan at kapayapaan sa isang akbay lang ay dahilan upang ang pagpapasalamat ay akin paring ibinibigay sa iilang mapagmahal.

Ang mga dahilan upang maging malakas ka, mga kadahilanan upang mabigkas mo ang mga pasasalamat sa mabubuting tao na tulad nila at ang ibig sabihin sayo ng buhay ay kanilang binigyan ng bagong kahulugan at halaga. Wala akong hiniling na maging mabuti sila sa akin ngunit sa kadahilanang naging mabuti din ako sa kanila ay ganun din ang ipinadama nila sa mundo kong minsan pang binigyan ng lungkot ng mga pagsubok at agam-agam sa mga di inaasahang kaganapan sa aking buhay.

Pagbibigay, hindi ko noon alam ang totoong ibig sabihin ng salitang pagbibigay. Ngayon ko nalang napagtanto na ang bukas palad ay nagiging totoo lang kapag nangagaling sa puso at paniniwala na makakabangon ka ulit kasama sila. Silang mga naniniwala sa iyong kapasidad, silang umaasa sa iyong mga ngiti at kasiyahan at silang mga naging totoo sa tabi mo hanggang sa iyong pagkakalugmok at mawalan ng pag-asa.

Sila ang naging dahilaan kung saan naging buo muli ako sa pag-iisip, paniniwala at sa pagkatao........


Salamat .....