"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Sabado, Disyembre 25, 2010

" Laging Bago Ang Pasko "

        Bihira ako noon makakita ng mga regalo sa ilalim ng aming maliit na Christmas tree, kung meron man eh mga dekorasyon lang ito at walang mga laman. Wala rin mga pangalan at pilit  idinidikit ang  mga pangarap na sana'y sa susunod na pasko ay masmalaki at masmaganda ang aming palamuti para sa masmasayang noche buena. Madalas kami gumawa noon ng maliliit na regalo na yari sa kahon na walang laman at wala ding pangalan. Mga regalong nangangahulugan para sa amin na hindi lahat ng pasko ay ganito. Ang mga parol namin ay hindi naman ganun kalaki ngunit  makulay at makislap pag tinatamaan ng liwanag. Kung gaano ito kakislap sa liwanag ay ganun din ito kadilim sa lalim ng gabi dahil ito ay yari lamang sa mga palara at plastic ngunit pinagtuunan ng panahon upang maging isang ganap na palamuti .


     Naalala ko pa ang mga pagpunta ko sa palengke  kasama ang aking  kapatid para bumili ng mga murang laruan para pang exchange gift. Makakapamili ka ng  laruan, damit at pagkain at sa aking dalang pera  para sa batang tulad namin noon ang mamili ng pangregalo ay isa sa pinakamalungkot na pagdedesisyon. Hindi dahil sa mahirap mamili ng regalo kundi alam naming kahit anong kalikot namin sa aming mga bulsa ay wala talaga kaming sapat na pera  para mabili ang mga gusto naming ibigay sa mga taong mahalaga sa amin. Sa aming pag-uwi matatapos ang araw sa pagbabalot ng mga regalong Lapis na may kulay, Pantasa, Laruang luto-lutuan, maliliit na robot-robotan at cards kung tawagin namin noon ay "supertramp". Ito ang panahon kung saan nagiging proud ang isang batang tulad ko sa kanyang sarili dahil sa naipong pera mula sa karoling. Ang pagbibigay ng regalo sa pasko ay hindi na iba sa amin dahil sa tuwing sasapit ang pasko hindi talaga mawawala sa amin ang pagpapalitan ng regalo kahit alam na namin ang mga laman nito.


     Laging abala si mama sa mga lulutuin tuwing pasko. Nakakapagtaka nga kung minsan dahil  nag-iisip pa siya kung ano ba ang ihahanda nya sa pasko eh ganun at ganun din naman ang inihahanda nya kahit nung mga unang paskong nagdaan. Sopas, Spaghetti, fried chicken , hotdog at fruit salad lumalabas ang kayamanan ni mama tuwing ganitong okasyon. Ipinagdiriwang namin ang pasko nang kami-kami lang, ako kasama ng aking mga kapatid at si mama. Wala kaming bisita tuwing pasko at hindi uso sa amin ang salitang " Family Reunion " dahil siguro malalayo ang aming mga kamag anak at hirap din kami sa pamasahe kung dadayo pa kami sa kanila. Lumaki kami na ang ibig sabihin ng pasko ay " Araw ng pagbibigayan " kaya nga lagi ako gumagawa ng paraan upang may mairegalo lang ako sa pasko para sa mga taong minamahal ko.


     Sarado ang pinto ng bahay at wala naman tagala kaming hinihintay na bisita, tuloy parin ang countdown para sa pasko na animo'y New year  at pagsapit ng alas-Dose mag uumpisa na kami kumain. Una ko sasandukin ang sopas at palihim kong susulyapan ang mga mukha ng aking  mga kapatid at pagnatatanaw ko ang ngiti  sa kanilang mga labi at kasiyahan sa kanilang mga mata ay masbusog pa ako sa taong kumain ng tatlong bandihadong kanin. Matatapos ang gabi na busog na busog kaming lahat at mamayang umaga ay panibagong kainan nanaman ng handa.


     Kung tatanawin ko ngayon ang noon madali kong naiintindihan kung bakit ako nagpapasalamat sa Diyos dahil masmasaya ako pagmasaya sila kaya nga madali ako makuntento dahil lahat ng ginusto ko noon ay ang mga pinangarap ko sa ngayon. Ang kasiyahan ng lahat ay aking ikinagagalak at kung saan ang pagkakamali ko ay pilit itinutuwid na sana ay matupad ko ang pangarap na gusto nila para sa akin kung saan yun pala ang kasiyahan na gusto nilang ibigay ko para sa kanila. Walang parehong pasko na dumarating kaya wag na natin idikit ang pasko noon sa ngayon dahil kung gusto natin ng pagbabago dapat lagi natin isipin na laging bago ang pasko at kung laging bago ang pasko laging bago ang panimula ng lahat basta kumapit ka lang sa Diyos at ialay sa kanya ang lahat ng pagpapasalamat para sa bagong buhay at puno ng pag-asa.





Maligayang Pasko!

Biyernes, Disyembre 3, 2010

"Masarap Maging Bata Tuwing Pasko"


   Amoy ng sariwang  umaga, yan ang sasalubong sa akin noon sa labas ng bahay. May pagkakaiba ang lugar namin noon kumpara sa ngayon. Ang dating mahamog at malamig na umaga ay  naging usok at nakakasulasok na amoy ng basura sa ngayon. Sabay-sabay kami dadalhin ni mama sa isang kainan malapit sa bahay ng aking Auntie, ito ay nasa gilid  lamang ng kalsada. Malinis at mura pa ang mga paninda gaya ng  champurado, lugaw, pancit, at sopas, yan ang mga pagpipilian sa menu at sa loob ng ilang taon ay hindi man lang ito nagbago . May mahabang upuan ito sa harapan at karamihan sa mga kumakain dito ay mga bata, nagsisilbing lugar ito upang iwanan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang sila naman ay nasa malapit na tindahan upang makipagkuwentuhan...


   Madalas ko noon inoorder ang Champorado, lagi ko ito pinapadagdagan ng gatas kaya kung minsan sa sobrang dami na ng gatas hindi ko na ito makain dahil nagmumukha na itong sopas hanggang sa maging matabang. Hindi ganoon kadali ang umubos ng pagkain na higit pa sa kayang ilaman ng sikmura ko at dahil nga mga bata pa kami noon ang isang order ay katumbas ng dalawang platong  kanin. Madalas hindi ko nauubos ang aking pagkain at pinapa take-out nalang ni mama.

Murang bilihin, murang damit, murang pagkain, murang laruan at mura ng mura ang kapitbahay namin dahil umagang-umaga eh wala silang pera. Pangkaraniwan na ang nag-aaway na  kapitbahay  tuwing umaga kung baga sa hobby ito ang wiling-wili nilang gawain.


   Lagi ko noon nakikita ang basang kalsada dahil sa mga labandera sa umaga, yan kasi ang libangan ng mga nanay pagkatapos ng kwentuhan sa gilid ng kalsada. Amoy sabon sa paligid , hindi pa uso ang downy noon at sampaguita scent na bareta  kaya amoy baretang pabrika ang mga damit at hanggang ngayon ay kumakapit pa sa ala-ala ko kung paano ko nilalanghap ang amoy ng bagong labang damit noong 1985.

  Mapapansin mo sa umaga ang mga bangaw na naka pirme sa ere, animoy nag eexercise habang nanonood sa mga tao sa ibaba. Palatandaan ito na ang isang lugar ay malaprobinsya pa  dahil nakakatagal pa ang mga bangaw  sa hangin at wala pang usok na nakakasulasok sa tao at hayop.


   Madami pang puno noon sa aming bakuran gaya ng manga, niyog, horsetail tree, gumamela, atis at bayabas na may sampayan ng damit. Tandang-tanda ko pa na ang mga bangaw, langaw at lamok na naka sabit sa alambre ng sampayan namin , kukuha si lolo ng walis tingting at saka ihahampas sa dereksyon ng  mga nakatambay na langaw. Makikita mo ang mga langam sa lupa na tuwang-tuwa na animo'y fiesta sa kanilang nayon dahil madaming lechon ang nagsilaglag mula sa langit.


   Parang kailan lang ang lahat, buhay na buhay parin ang ala-ala ng lumang panahon, ramdam ko pa ang lambot ng lupa sa likod ng aming bakuran, natatanaw ko pa sa aking pagkakapikit ang balon sa tabi ng aming bahay, naaamoy ko pa ang sampaguita na nagmumula sa siyudad ng silangan kung saan ako nagmula. Ganyan kami noon kung saan ang laruang baril ay yari pa sa kahoy at ang libangan ay  jolens at teks, madalas kaming may laruan noon galing kay lolo mga simpleng regalo na masmahalaga pa sa mga bagay na nabibili sa labas gaya ng yoyo.


   Ngayong magpapasko kung saan madadagdagan nanaman ang magagandang ala-ala kung saan pilit inuusad ang  lumang kahapon at ilalagay sa kahon ng kalimot. Matsaga kong inilalapat sa aking mumunting panulat upang kahit mawala man ako sa mundo ay masasabi ko na hindi naging malungkot ang kabataan ko kundi naging    makabuluhan dahil sa mga taong bumubuo nito. Hindi na tayo bumabata ngunit sa  bawat araw na dumadaan alam natin na ang pakiramdam na maging isang bata kung saan ang pangarap ay kasiyahan at ang kahalagahan ay pagpapahalaga.


   Masarap maging bata tuwing pasko, kaya nga ayaw natin ito ipagdamot sa mga taong mahal natin. Gagawin ang lahat dahil masaya tayo kapag masaya din sila. Sa ganitong araw ng taon ko lang nararamdaman ang kasiyahan ng buhay hindi dahil sa regalo kundi alam ko na nandyan sila at naaalala parin pala nila ako. Sa ganitong araw ng taon ko rin gusto magbigay ng regalo hindi dahil sa gusto ko madagdagan ang mga luho nila kundi mapadama ko na nandito parin ako para sa kanila at nagbibigay ng tunay na pagmamahal at pagpapahalaga......


Maligayang Pasko Sa Ating Lahat!