Ang dahon, sa hanging maligamgam, sa mapaglumbay na mga pakpak , sa masungit na dagat. Hinahawi ng pagmamasid ang bawat damong nangungusap, habang inuukit ng bibig ang matatalim na ulap.
Sa mga pagkakataon na ibinigay sa akin ang lahat, hindi naging patas ang daan, tuyong lupa, bulok na isda. Ang pagkakataon na sana ay mapupulang bulaklak ay naging pakiusap ng isang sisiw sa parang.
Paraan ko ang pag-irog sa mumunti mong tanaw, luha ay nasasalok ng aking pakiramdam. Huwag lang sana umikot ang mga tala ng langit kung saan ko isinukli ang kansulsilyo kong awit.
Bigkasin mo lang minsan ang aking kasalanan, tubig sa aking katawan natutuyo’t tumatamlay. Mga sangang nag ngingit-ngit sa ibabaw ng mga baga, tila naghihintay na upos ng pagkalimot at pagkamalay.
Baguhin ko man lahat ang aking pakiwari dumadaang pilit ang mga huni ng hikbi. Sa mga ugat ko titigil ang lahat, ang dating luntian at maaliwalas na balat, ay may sukob ng dapit hapon sa pagmamahal ay salat.
Pilit kong iniintindi na bakit walang anino kahit may gasera, oh dahil kailangan ko narin magpahinga at pumikit. Bumababa na ang aking mga mata at pumupungay na sa naglalamlam kong marikit.