"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Mayo 17, 2013

"Habang Hinahanap Parin Kita"

Hindi na ako gumagalaw........

Lahat ng aking kakayahan ay nakabigkis  at nakakahon sa pinanghahawakang desisyon. Umaasa nalang na isang araw ay mapansin ang aking mga tama habang hinahanapan ng pagkakamali. Ang maliit na mundo na paulit-ulit kong iniikot. Hindi ako nagsasawa, pero napapagod din ako. Hindi ako naghahanap ng iba ngunit nasasabik din ako sa mga kaibigan. Hindi ako mawawala ngunit lumalayo din ako gaya ng iba kapag nasasaktan at nangungulila.

Tahimik at madilim kahit may liwanag. Ang mga mata ko ay kusa nalang pumipikit habang hinahanap parin kita.

Lunes, Mayo 6, 2013

"Sana Noon Pa"

Binibilang ko ang oras habang naghihintay ng ibang pangalan. Nakita ko ang  kanyang kapatagan kung sakaling mawala ang aking abo at kagalakan. Batid ko ang kahulugan ng mga pangungusap kung saan ang mga pinanghuhugutan nito ay hindi na sa akin ibinibigay.

Ang hindi pagkilala sa aking kakayahan at ang tanging tama ay ang mga mali na aking ginagawa. Naiipon ang pagkasabik sa bintana ng buhay hanggang punoin nito ang aking mga kamay ng mga kagalingan. Hawak ko naman sana ang tagumpay ngunit ang pagbigkis na hindi maiangat ay patuloy sa akin ay nakakapit.

Ang kagustuhang makawala sa paraisong lugmok sa kawalan ng pagkakakilanlan ay pilit kong binubura. Hindi na ako magtataka kung ililipat ko ang aking mga pahina hanggang sa wakas ng aking tinatamasang hininga. Hindi na ako nakapag-isip, naramdaman ko nalang bigla na hindi na ako kasama. Mapurok na panguunawa , sana noon pa.